Di Pambatang Fairytale




Di-pambatang Fairytale

ni Abigael San Antonio




May mga panahong nakakamiss yung mg fairytale books,yun bang parang gusto mong bumalik sa pagkabata. Pero, alam naman ng lahat na sobrang nakakahiya na ang magbasa ng mga ganung klase ng libro pag matanda kana. Ako,hilig kong magbasa ng mga fairytale books,dahil naniniwala ako sa laging ending nito,na “AND THEY LIVED HAPPILY EVER AFTER”. Pero alam nyo bang merong ng mga libro na tiyak kahit makita kayo ng ibang mga tao na nagbabasa nito ay tiyak maipagmamalaki nyo pa? Tulad halimbawa ng mga libro ni Bob Ong, na kinabibilangan ng isang pabulang pinamagatang ”ALAMAT NG GUBAT”.






Ang Alamat ng Gubat ni Bob Ong ay sadyang kakaiba sa lahat ng kanyang mga libro dahil kung mababasa nga natin ang pamagat na “Ang Alamat ng Gubat”, aakalain nga nating isa itong alamat ng gaya ng mga ibang kwentong may pinangagalingan. Isang halimbawa ang “Alamat ng pinya”. Pero itong alamat ni Bob Ong ay hindi gaya ng mga kwento nila Lola Basyang o kung sino pa mang matanda,dahil kung inyong susuriin kung paano nilahad ni Bob Ong ang alamat, siya`y gumamit ng iba`t-ibang uri ng hayop gaya nila tong,pagong,manok,kuneho,aso at iba pa.Dahil sa uri ng kanyang paglalahad masasabi kong ito ay isang uri ng kwentong pambata,Ngunit pag inyo naman ninamnam ang bawat detalye,masasabi kong ito ay isang kwentong makabuluhan,dahil ang totoo palang sinasalamin nang kwentong ito,ay kung anong klase ng mga tao ang namumuhay sa ating lipunan,gaya ng mga klase ng hayop sa istorya,dahil ang bawat klase ng hayop dito ay sumisimbolo sa bawat katangian ng isang tao sa ating lipunan,merong mga taong mapagkakatiwalaan at meron ding mapag balat-kayo na kung basta basta tayong maniniwala sa iba,ay pwede rin natin itong ikahamak.At pwede ring sabihin na kung basta basta tayo sasabay sa takbo o agos ng buhay pwedeng may magadang at masama ring mangyari kung kaya`t mas maganda na,na kilala natin ang taong ating pagkakatiwalaan.






Kagaya nang bidang Si.Tong,siya`y sumisimbolo sa mga kabataang gaya natin na humaharap sa maraming pagsubok na pag hindi natuto sa mga pagkakamali ay tiyak hindi natin maaabot ang ating mga hangarin sa buhay.






Kabuuan ng Isang Malawak na Paaralan


Kabuuan ng Isang Malawak na Paaralan

ni Alyssa Lalaguna









Tunay na napakalawak ng mundo sa loob ng eskwelahan. Sa katunayan nga mula pagtungtong ng natin sa limang taong gulang hanggang sa kolehiyo ay ang paaralan na ang ating gamit-gamit na hagdan. Ang dami-daming karanasan at mga taong talaga namang kapupulutan ng aral. Dahil dito, ang karamihan sa mga estudyane ay ngasisikap na mag-aral ng mabuti. Gayun pa man, di pa rin natin maitatanggi na may mga mag-aaral din na walang pakialam sa pag-aaral at sinasadyang maging tamad.






Tama, sino nga naman ang mag-aakala na sa apat na sulok ng isang silid-aralan ng eskwelahan matatagpuan natin ang ating mga kabit: pangalawang tahanan, pangalawang magulang, at sangkatutak na mga pasaway na pangalawang kapatid. Oo, sa loob ng isang silid nabubuo ang kontribusyon ng bawat isa sa karunungan. Maging guro ka man o mag-aaral, lahat ay kinakailangang may kontribusyon. Nakakainis lang minsan na may mga ilang tagapayo at estudyante ang hindi nakauunawa tungkol sa ugnayan na ito na dapat sana alam ang pakinabang ng bawat isa.






Mahirap maging guro at estudyante. Siguro depende na rin iyon sa kanya-kanyang indibidwal. Kumg ikaw ay isang guro, maging mabuti ka at siguraduhin mong kapupulutan ka ng aral ng iyong mga estudyante at kung isa ka namang mag-aaral pilitin mong magsikap, magpakabait at mag-aral ng mabuti. Sa mga karanasan na nararanasan ng magkabilang panig na dumaan at dadaan pa lamang sa ating buhay sa loob ng paaralan kahit na ito'y isang kabiguan man maging matatag tayo at sikaping bumangon na nakataas pa din ang noo. Gawing kalakasan ang lahat ng ito. Pakatandaan na sa malawak na mundo ng eskwelahan, binubuo ito ng mga guro, estudyante at mga karanasan tagumpay man o kabiguan.






“Super Hero? Kailangan Pa Ba `To?”




“Super Hero? Kailangan Pa Ba `To?”

ni John Larrence M. Calderon


Ano ang halaga ng isang superhero: Tagapagligtas ng tao? Tourist attraction ba? Ano?!! Ano?!! Ano?!! Kailangan pa ba sila? Nakapanood na ako ng mga cartoons, anime, at mga pelikula tungkol sa kanila. Madami na akong nabasang komiks, lahat bida ay super hero na may mga extraordinary powers. Madami na akong kilalang superheroes tulad ng Justice League. Balik tayo sa tanong ko, ano nga ba talaga ang silbi ng super heroes? Kailangan ba ito ng Pilipinas? Ay!! Ganito pala ang tanong, kailangan ba ng mga Pilipino ang Super hero para magbago ang pamumuhay nila?


Sa pagkahilig ko sa mga comic books, sinubukan ko basahin ang mga aklat ni Bob Ong, mga librong hindi ko naman alam kung sino ang pinapatamaan o kung para saan. Natapos ko yung isang aklat nya na pinamagantang Kapitan Sino (actually, nabasa ko na lahat ng libro nya). Nung una, ang pagkakaintidi ko sa kwento ng Kapitan Sino ay basta tungkol lang sa isang Superhero. Naka-kwentuhan ko ang isa kong kaklase tungkol sa librong iyon ni Bob Ong at ang sabi ko gusto ko din magkaroon ng kapangyarihan katulad ni Rogelio Manglicmot, tinanung nya sakin kung ano daw ba ang gustong iparating ni Bob Ong sa libro nyang iyon, napaisip ako, binase ko ang sagot ko sa nabasa ko, ang sabi ko sa kanya, “syempre tol ang gusto niyang sabihin sa atin ay pwede tayong mangarap”, tumawa siya ng malakas, napahiya ako sa kanya kaya binasa ko ulit ang librong “Kapitan Sino”.


Dahil sa pagkapahiya ko sa nasagot ko sa kaklase ko, pinilit kong intindihin ang kwento ni Kapitan Sino, dalawang beses ko siya inulit basahin. Naalala ko ang sinagot ko sa kaklase ko. Napakalayo nga talaga ng gustong ipahayag ng awtor sa libro. Meron palang deeper meaning ang librong iyon, hindi lang basta patungkol sa mga superheroes, akalain mo bang ugali pala ng Pilipino ang pinatatamaan niya. Know what? Namangha ako sa na-decode ko na hidden message sa libro. May tanong ulit ako, “Nakuntento na ba tayong mga Pilipino sa kung ano ang kalagayan natin ngayon?” Sa halip na gumawa tayo ng paraan para iangat ang pamumuhay natin, puro tayo reklamo: “Kahirapan!! Mga kurakot!! Walang trabaho!!” Ang mga ito ang mga lagging idinadaing nating mga Pilipino hindi ba? Binigyan na tayo ng kalayaan noon, GUMISING NA TAYO!!!!!! Matamaan naman tayo sa mensaheng ipinahahatid sa atin ni Bob Ong, na kahit ano, kahit sino, at kahit lahat ng bagay ay ibigay sa atin, wala pa ring silbi kung tayo mismo ayaw magbago, bakit kaya hindi natin subukang sumunud sa batas, magtrabaho ng walang reklamo, pustahan tayo gagaan ang buhay nating mga Pilipino, kahit walang superhero.


Ang Panulat

Ang Panulat

ni Marielle Joy A. Angeles





Nag-iwan ng isang malaking palaisipan sa akin ang katagang binitawan ni Bob Ong sa kanyang libro na "Stainless Longganisa". Ito ang katagang aking nabasa: "Nagtatae ngayon ang ballpen ko. At hawak mo ang basurahan", maaaring kung literal mo itong sasagutin ang posibleng sagot na manggaling sayo ay.. "Pwede mo namang itapon ito sa basurahan at bumili ng panibago." Ngunit kung ating uunawain ang katagang ito, malaki ang maaaring maitulong nito sa ating pag-aaral. Halimbawa na lang, kapag sinabi ng iyong guro na magbigay ka ng mga impormasyong maaaring makatulong sa inyong gawaing pampaaralan, ikaw ngayon ang kakatawan sa nagtataeng ballpen na sinasabi ni Bob dahil tulad nito ikaw ay naguumapaw sa kaalaman at halos hindi mo na mapigil ang sarili sa pagbulalas ng mga ito samantalang kumakatawan naman ang basurahan sa mga taong nakapaligid sayo na handang makinig at handa ring itapon ang iyong mga ideya dahil lang sa kadahilanang hindi mo naabot ang hinahanap nilang impormasyon sa nasabing bagay.


Minumulat tayo ng mga sitwasyong nabanggit sa libro ni Bob kung paano natin kayang solusyunan ang mga ito. Ngunit dahil na rin sa kakitiran ng utak natin mas inuuna ang reklamo at katigasan ng ulo Parang ako, kapag sinabi ng aking nanay na wag na akong makipag away sa aking kapatid hindi ko ito sinusunnod dahil mas uunahin ko ang aking pride kesa hanapan ng solusyon ang problema.


Maaaring isa sa ating henerasyon manggaling ang sususnod na Jose Rizal na ginamit ang panulat upang maiwasan ang pagdanak ng dugo. Tulad din ni Bob na minulat tayo sa katotohanang pilit nating ikinukubli sa likod ng maskara ang mga bagay na ayaw nating malaman ng iba. Nagsilbing sandata nila ang panulat upang magising ang mga natutulog na diwa ng mga pilipinong babasa ng kanyang libro.


Magmula ng nabasa ko ang kanyang libro, nagkaroon na ito ng isang malaking tulong sa aking buhay at nagturo din ito ng mahalagang leksyon. Nalaman ko na noon palang talagang may mga pasaway ng tao sa Pilipinas na nagpupumilit na itama ang kanilang pagkakamali para lamang pagtakpan ang kapalpakan nila sa buhay. natutunan ko din na dahil sa mga kamalian ng bawat isa, mayroon pa din tayong makukuhang bagay mula doon..


Kaya panulat ang aking naging pamagat para dito dahil maraming bagay ang nagagawa ng isang panulat sa buhay ng tao, hindi lang ito basta-bastang panulat ito rin ay maaring maging sandata at pananggalang sa mga taong kumakalaban sayo kun ayaw mong gamitan ng dahas ang pakikipag-talo sa kanila..Gamitin lamang sa wasto ang mga salitang isusulat.






Ang Baligtad na Pananaw ni Juan




Ang Baligtad na Pananaw ni Juan

 

Ni Mary Jane P. Dumalos




Masarap magbasa ng libro. Yung mga aklat na nakakaaliw, hindi boring basahin, malaman, at higit sa lahat, puno ng aral. Pero sa bawat magandang istorya na laman ng aklat ay nakukubli ang layunin ng awtor nito --- ang maylikha at nagbigay buhay sa aklat.



Isang malaking misteryo si Bob Ong. Ang awtor ng mga aklat na may mga kakaiba at nakakaaliw na mga pahayag na kadalasan ay tumutukoy sa Pilipinas at sa atin mismong mga Pilipino.



Isa sa mga librong ginawa nya ay ang “Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?”. Tulad ng inaasahang paraan nya ng pagsulat, nilikha ni Bob Ong ang aklat na ito sa isang nakakatuwa, kaswal, at makahulugang paraan na tiyak na ikakaaliw ng mga mambabasa sa bawat yugto nito. Cover pa lang ng libro ay may “twist” na! Marahil kung sino man ang makakakita sa iyo na binabasa ito ay pagtatawanan ka lalo na kung hindi nila kilala ang awtor nito. Sadyang pabaligtad basahin ang aklat.



Bakit nga ba sinadya nyang gawin ito? Para lang ba talaga makapagbigay- aliw at magmukhang interesante ang aklat nya? Isa sa mga naisip kong dahilan ay marahil sinisimbolo nito na baligtad din tayong mag-isip na mga Pilipino, na baligtad ang pananaw natin sa pagka-Pilipino natin, baligtad ang utak ni Juan dela Cruz! Isa pa ay marahil ginawa nyang pabaligtad ito upang masubukan ang ugali ng mga Pilipino na pagtawanan ang kapwa Pilipino sa mga kapalpakan nila sa halip na itama. Sa librong ito, naglagay rin si Bob Ong ng iba’t-ibang pahayag sa internet, ng iba’t –ibang tao, na mula sa iba’t-ibang bansa at karamihan dito ay puno ng masasakit na puna. Oo, mga salita at pahayag na ikakainsulto ng sinumang Pilipinong makakabasa pero hindi naman maipagkakailang totoo.



Inilarawan dito ng awtor ang kultura nating mga Pilipino, ang tunay na kalagayan ng bansa, ang mga kapalpakan at kabalbalan natin, ang pagtingala natin sa ibang mga nakaaangat na bansa kasabay ng pag-apak natin sa sarili nating bayan, ang mga Pilipinong nagtatago sa sarili nilang kulay. Inilahad nya rin dito ang mga bagay-bagay na konektado sa pagiging Pinoy.



Binuksan ng aklat na ito ang diwa ng aking pagiging makabayan. Ipinakita nya ang iba’t-ibang anggulo ng bansa natin at tayng mga nakatira dito. Tunay ngang nagbigay din si Bob Ong ng masasakit na komentaryo tungkol sa bansa pero sa kabila nito, ipinagmamalaki pa rin nya ang pagiging Pilipino ---- isang bagay na nagawa rin akong pag-isipin , “Oo nga naman, kahit ganito ang Pilipinas, marami pa rin akong maipagmamalaki dito. Ano nga ba ang dahilan kung bakit mahal ko ang Pilipinas? Simple! Dahil Pilipino ako.”



Kapuna-puna naman talaga kasi ang mga kabalbalan ng mga Pilipino, yun bang katotohanan na nagpapadala ang mga Pilipino sa iba’t ibang bagay na meron ang mga taga-ibang bansa. Samantalang tayo ay minamaliit nila. Di pa naman huli ang lahat. Marahil, ito ang isa sa mensaheng nais iparating ni Bob Ong. Tulad mismo ng sinabi nya sa isang bahagi ng aklat na ito, “ Ordinaryong mamamayan lang ako na nagkukwento ng pananaw ko tungkol sa sariling bansa.”



Marahil ay dinaan ni Bob Ong ang pagsulat sa paraang maaaliw at matatawa tayong mga mambabasa ngunit sa dulo ng kanyang kwento ay magigising ka at maantig. Masasabi mo na totoo lahat ang sinabi nya --- makabuluhan, at pupukawin talaga ang pagka-Pilipino mo. Ang kamulatan natin sa mga mali na pwede naming itama, ang pagbawas sa sariling kapintasan, ang mga magagawa natin para muling bumangon ang bansa, at higit sa lahat, ang pagkakaroon ng pagmamahal, pagmamalasakit, at disiplina sa sarili. Ipagmalaki, imbis na ikahiya ang pagka-Pilipino.



Ang pagbabasa ng libro ay hindi lamang para malibang tayo, kundi para may matutunan tayo. Magbasa tayo ng libro na hindi lamang sinusulit ang bayad sa aklat kundi pati ang panahon at talino na ginugugol dito. Simple at prangka man ang bawat pahayag sa aklat na ito, siksik,liglig, at umaapaw naman ang kaalaman na mapupulot dito. Tiyak na magigising ang natutulog na pagka-Pilipino sa bawat Juan dela Cruz.


I Shall Return..?!




I Shall Return..?!
Ni Maria Edlyn M. Tolentino





Mac Arthur ang pamagat ng isa sa mga libro na isinulat ni Bob Ong. Sino nga ba siya? Hindi ba tanyag ang kataga niyang, “I shall return!”? Na madalas din nating nagagamit sa pangkaraniwang usapan at biruan. Kaya nga mas nakilala sya ng maraming Pilipino dahil sa linyang ito, at hindi dahil sa nagawa nya para sa bansa natin.


Bakit kaya ito ang pamagat ng obra ni Bob Ong? Sa mga kapwa ko na nakabasa ng librong ito, kapareho ko siguro kayong nagtaka at napag-isip mabuti..? At sa hindi pa nakakabasa nito, malamang mapakamot din kau ng ulo sa pagtataka. Noong una ko kasing nabasa ang pamagat, ang naisip ko agad ay may kaugnayan kay Mac Arthur ang istorya. Na napili sya ni Bob Ong na gawan ng interesante at nakaka-aliw na kwento sa istilo nya, upang makilala natin syang mabuti. Pero, hanggang sa matapos ko na itong basahin, wala akong nakitang kaugnayan niya sa kwento. Maliban na lang kung ikokonsidera ang pagbanggit ng isa sa mga tauhan ng libro sa kanya ngang tanyag na kataga..? Na inugnay lang ng tauhan na ito sa hindi paglubog ng “tae” kasi maliit, lightweight, kahit na ilang beses buhusan ng tubig sa inidoro, BUMABALIK! Kaya “I shall return!” Ahahaha! Nakakatawa. Pero hindi siguro, napakababaw naman kung iyon.


Nakuha ko tuloy basahin muli ang kwento, baka kasi may nalampasan akong pahina o baka hindi ko lang talaga naintindihan. Pero wala, wala talaga akong makitang direktang koneksyon ni Mac Arthur sa mga tauhan at sa takbo ng kwento. Maliban na lng siguro sa pangyayari sa katapusan ng kwento. Pasaway talaga itong si kuya Bob Ong! Mataba ang utak! Sabagay, istilo nya talagang palokahin at pag-isipin ang mga mambabasa nya.


Tungkol sa 4 na lalaking magkakabarkadang problema sa pamilya at sa lipunan umikot ang kwento. Sila’y mga adik , magnanakaw , sakit ng ulo, sa madaling salita ay mga walang kwentang tao! Ngunit kahit sila ang ginamit na tauhan ay kapupulutan naman ng aral at nakakaantig ng damdamin. Nakuha kong mainis, magalit, maawa, manghinayang sa mga tauhang ito na malaki ang pagkakahango sa tunay na buhay ng mga mahihirap na tambay at mga bulagsak na mag-aaral sa kolehiyo na napapasama sa mga maling barkada. Pero nagawa ko ring maintindihan kung saan sila nanggagaling, kung bakit nila nagagawa ang mga bagay na hindi dapat. Ang kahirapan, pagtakas sa problema at kababawan ng kaisipan ang mga malalaking dahilan kaya sila mga walang bilang, walng silbi, kaya sinusuka sila ng lipunan. Sangkot na din ang mga taong nakapaligid, mapa-pamilya o mapa-gobyerno man.


Isinaad sa kwento ang mga indibidwal nilang mga katangian at kung paano nila niraraos ang mga pang araw-araw na karaniwang problema ng mahihirap na iskwater. Sa bandang huli ang 4 na magkakaibigang ito ay nagkahiwa-hiwalay. Ang isa ay napugutan ng ulo dahil nasangkot sa sindikato ng droga. Ayun at namatay na nga, pinagmumumura pa ng kanyang walang kwentang ina na hindi man lang naiparamdam sa anak ang pagmamahal. Ang sumunod ay nakulong at nabaliw na yata dahil nabaril niya ang pinakamamahal nyang lolo na nagpalaki sa kanya ng dahil sa pagkahigh sa droga. Ang isa naman ay sumunod na sa probinsya ng asawa’t anak kasi ay iniwanan sya ng mag-ina nya dahil din sa kaadikan at kawalang pangarap. At ang kahuli-hulihang tauhan, ay ang pinalayas ng ama dahil lagi syang nagnanakaw ng pera at ng mga gamit sa bahay nila para ipambisyo, at hindi pumapasok sa klase dahil nawaldas ang perang pangmatrikula para makapagfinals. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa mga kabarkada niya at sa buhay ng panghuling tauhan na ito, napagtanto at nakilala nya ang totoong sarili. Batang takot, mahina, nangangailangan ng kalinga. Malungkot niyang tinahak ang landas pabalik sa bahay nila. Sa kabutihang palad ay tinanggap naman siya ng pamilya niya.


Siya siguro ang may koneksyon kay Mac Arthur, kaya Mac Arthur ang pamagat. Kasi ika nga, nag “ I SHALL RETURN” siya sa bahay at pamilya nya. ;-)


Langit-Lupa-Impyerno

Langit-Lupa-Impyerno

ni Benedict C. De Jesus



Matapos kong basahin ang akalat na “Ang Paboritong LIbro ni Hudas”, na isa sa mga Obra Maestra ni Bob Ong, kakaibang takot ang aking naramdaman. Oo, takot nga, hindi pagkatuto (sa mga impormasyon na sinasabi sa aklat), hindi katuwaan (sa mga biro at nakakatawang pahayag ng awtor), at hindi lungkot (sa mga nangyayari sa mundo). Nakakkilabot ang aklat na ito.

Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ko ang buhay pagkatapos ng kamatayan, ang langit at impyerno (kung totoo man ang mga iyon), ang pagkagunaw ng mundo. Subalit matapos kong mabasa ang “APLnH”, namulat ang mga mata ko at ginawa ko ang isang bagay na bihira kong ginagawa, ang magmunimuni. “ ’Pag namatay ba ako, saan ako mapupunta? May pupuntahan ba ako? May pupuntahan ba tayo? Alin ba ang unang mapupuno, langit o impyerno? May napupunta pa ba sa langit sa panahon ngayon? Hindi kaya ang tunay na impyerno ay ang mundong ginagalawan ko limampung taon mula ngayon? Nakakatakot!

“Ang impyerno ay narito na!!!”, sigaw ng pari sa pelikula ni Cesar Montano sa pelikula tungkol kay Rizal. Nung pinanood ko ‘yun dati, tawa lang ako ng tawa. Pero kung mapapanood ko ‘yun ngayon, baka manahimik na lang ako at mag-isip. Narito na nga ba ang impyerno? Isipin mo, ang simple, payapa, maka-Diyos at makataong panahon noon ay hindi na gaya ng panahon ngayon. Ngayon, pati tao mismo, kinakain na: “Tingnan mo yung chikas na naka-pepe shorts pare, sarap nun!” (GLUTTONY). Nagpapayabangan ang lahat ng mga bansa (PRIDE) at sa ganitong labanan, naiinggit ang mga natatalo at nalalamangan (ENVY). Hindi na lang sa inumin nauuhaw ang mga tao. Marami na ang uhaw sa laman: “Napanood mo na ba yung scandal ni Piolo at Sam Milby, pare? Astig no?” (LUST). Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya at pagdali ng buhay ay ang kagustuhan ng tao na lalo pa itong mapadali: “Anak, iabot mo nga sa akin yang remote control, nakakatamad eh.” (SLOTH). Dahil dito, walang taong nakukuntento: “Wag ka mag-apply diyan pare, minimum LANG ang sahod diyan.” (COVETOUSNESS). At upang mapatunayan ang kapangyarihan at kalamangan sa ibang tao, ang pagpatay ay halos kasintalamak na ng panganganak (ANGER). 2010 pa lang, ganito na. Paano pa sa 3010?? “Ang impyerno ay narito na!” Nakakatakot.

Mayroong kakaiba sa mga aklat ni Bob Ong. Hindi lahat ay may “Happy Ending”, pero lahat ay may “Hopeful Ending”. Tama ka, ‘yun ang dahilan kung bakit may “Hopeful Ending” din ang sanaysay na ito. Naniniwala pa rin ako na may pag-asa pa. Kung ang pagbabago ay nasa puso natin (hindi ako nagbibiro at lalong hindi ako nagda-drama), may magagawa pa tayo. Pigilan natin ang pagdating ng impyerno sa lupa. Magpakatino na tayo.